Naisipan ko lang 'to ipost. :) My essay/speech in Filipino. :) I know, walang sense to. Hindi ko nga alam kung essay ba 'to or speech e. Basta tignan/read niyo na lang, if you like. :)) Super haba. :)) Ang Pagtatapos. Bow. :) With special participation of the class of Bridget, TOA, TCJ, & Rita. :) Gets?? :)) Basta. :P Comments. :)
ANG PAGTATAPOS
Banaag, Daisy
IV-St. Rita
Parang kahapon lang nang una akong pumasok sa aking silid noong unang taon ko sa hayskul. Parang kahapon lang nang tinawag kaming mga “baby ng hayskul”. Tila napakabilis ng oras na ngayo’y kami na ang mga ate. At ngayon nagbibilang na lamang kami ng mga araw bago dumating ang araw na kung saan kaming lahat ay maghihiwahiwalay na, ang araw ng pagtatapos. Malapit na. Mahigit apat na linggo na lang ang itatagal ko sa tinaguriang pangalawang tahanan ko, ang CSR. Bakit nga ba kailangan magtapos ang mga bagay-bagay?
Ang pagtatapos ay hindi lamang isang okasyon na nagaganap tuwing buwan ng Marso na kung saan ang mga magkaklase at magkakaibigan ay maghihiwahiwalay. Bukod sa isang napakaespesyal na pangyayari at isa sa mga hindi ko malilimutan sa aking buhay ang araw ng pagtatapos, ito ay isang pagkakataon upang parangalan ang mga estudyanteng katulad ko na nalampasan ang ano mang pagsubok sa buong apat na taon sa hayskul. Lahat tayo ay dadaan at dadaan sa araw na ito. Ang pagtatapos ay isang pangyayari na kung saan ay iiwanan na natin ang ating nakasanayang buhay at lilipat na sa susunod na kabanata ng ating buhay. At para sa amin, ang susunod na kabanata ay ang pagpasok sa kolehiyo.
Sa apat na taon ko sa hayskul, ito na marahil ang pinakamasaya at hinding hindi ko malilimutan na pangyayari sa aking buhay. Marami akong napagdaanan sa aking paglalakbay sa hayskul. Minsan na akong nabigo at nagtagumpay sa paglalakbay ko. Marami na akong mga karanasan na naging masaya at naging malungkot ako. Habang inaalala ang mga panahon na kung saa’y nakatikim ako ng saya at pati na rin ng lungkot sa buhay ko sa hayskul, hinding hindi ko malilimutan ang mga taong naging parte ng buhay ko. Biniyayaan ako ng Diyos ng mga taong katulad nila: ang aking mga naging kaklase, aking mga ka-batch, aking mga kaibigan, aking mga naging guro, at aking mga magulang na tumulong at nagbigay inspirasyon sa akin upang magpatuloy sa buhay at makatapos sa aking karera. Sa naging buhay ko sa hayskul, marami na akong nasabing “aking una” at “aking huli”.
Noong unang taon ko sa hayskul, maraming mga nangyari na nagturo sa akin kung paano ibaba ang sarili at humingi ng tawad. Ang Bridget na kahit napatayan na ng aircon dahil sa sobrang ingay at pasaway, tuloy pa rin sa daldalan, ang bridget na ang paboritong gawin tuwing lunch ay ang maghabulan sa loob ng klasrum, ang pagpasok naming sa mga kuweba sa aming outbound sa Biak na Bato, ang nabuong samahan ng Soft G na kinabibilangan nila Marion, Alec, Jacqui, Wana, Janelle, Meg, at ako, ang mga nabuong “away bata” ng Soft G, ang pagbabati ng Soft G, at ang pag-alis ni Jacqui sa CSR. Lahat ng mga natutunan ko sa unang taon ko sa hayskul ay tiyak na nabaon ko hanggang ako’y lumisan na sa paaralang ito.
Naaalala ko pa noong unang araw ng klase sa ikalawang taon ko sa hayskul. Nahihiya pa ako sapagkat mayroong bago sa akin—may braces na ako. Katulad ng dati, nahiwalay ako sa aking mga kaibigan at nakasama ko sila Marion at Katoi. Ang aming outbound sa mga iba’t ibang simbahan. Ang Christams party ng TOA na kakaiba dahil suot-suot naming mga damit ay ang aming mga pantulog. Ang mga araw na naging excited kami sa play na gagawin namin, ang Grease. Ang naghihingalong palaka ng grupo namin nila Patsy, Yana, at Nicole sa dissection sa Biology. At ang una naming pagdiskubre na tumitibok pa ang puso ng palaka kahit hindi na ito nakakabit sa kanya! Ilan lang ang mga ito sa mga kakaibang nangyari sa ikalawang taon ko sa hayskul. Lahat ng ito at iba pang mga nangyari noong ikalawang taon ko sa hayskul ay tiyak na hindi ko malilimutan kailanman.
Hindi na ako Freshmen o kaya’y Sophomore. “Juniors ako!” Ang linyang pinasikat ng aming batch dahil sa paulit-ulit nitong pagsabi na nagsimula noong Intrams. Ikatlong taon sa hayskul. Ito na marahil ang pinakamasaya at hinding hindi ko malilimutang taon sa hayskul. Sa ikatlong taon ko sa hayskul, swerte akong napunta sa seksyon na kung saan lahat kami ay nagkakaisa at walang ni isa man ang naging left out. Mas malala pa ata ito sa naging karanasan ko noong unang taon ko sa hayskul. Ang “Da Ehhh”, ang “maliit na woah at malaking woah”, ang paglilinya sa corridor at hahawakan ang palda ng nasa unahan, ang “tcj’s chuchu train”, ang mga sikretong “chuva”, ang walang tigil naming pagtawa nila Frankie at Alec, ang mga officers na nagsisimula ng mga ingay, ang langit lupa, ice-ice-water, at habulan gamit ang tuhod sa loob ng klasrum, ang SK ni Wesley, ang pagkahuli ni Ms. Lopez na kumakain ng boy bawang halos lahat habang siya’y nagtuturo, ang iisang sagot sa mga homework sa Trigo, ang pagbibinyag kay Wooh ni Baba, ang aming pagbansag sa aming mommy na si Ms. Hirang na ang aming iisang bumblebee, ang pagtulog sa Chemistry, ang aming outbound sa mga simbahan at Daranak Falls, ang madamdaming retreat, Christmas party, at mga huling araw ng CLE naming parang araw araw ay retreat na rin kasama si Mrs. Pidlaoan, ang magkasunod na buwan na pagkawala ng tatlong buwang gulang kong camera at eyeglasses at iba pang mga kalokohan at karanasan. Mga alam naming bawal ngunit hindi mapigilan ang sarili tuwing lunch at free time sa paggawa ng mga kalokohan. Ito rin ang mga tumatak sa akin noong ako’y nasa mga pader pa ng silid ng TCJ. Kaya nga binansagan ang aming section na nabubuhay raw kami sa “buhay TCJ”. Kung alam ninyo kung anong klaseng buhay iyon, isa ka sa amin. Hindi lamang kami sa kalokohan umaangat. Lahat kami binibigyang pansin at halaga ang aming pag-aaral. Tunay na ang third year ay ang taon na puro sagad—sagad sa tawanan at iyakan. Nasabi ko na sa sarili ko, “Ito ang the best year talaga.”
Unang araw ng pagiging isang Senior. Marami akong narinig, “Huling first day na natin sa CSR!” Sabay naging malungkot. Unang linggo pa lang ng pagiging fourth year, naging abala na kami sa pag-aasikaso ng aming application forms para sa mga kolehiyong aming papasukan. Nasabi ko sa sarili ko, “Ito na ang pinakastressful na taon.” Inihanda ko na ang aking sarili sa mga Physics, Algebra IV, Calculus, at CA. Mga bago para sa amin at sinasabing mahihirap ang mga ito.Sa Rita ako napabilang. Bagamat maraming TCJ dito, naiwan lang sa aking mga kaibigan ay sina Mae Mae at Wana. Masaya na rin. Hindi man nila alam, naturuan nila akong magpokus lalo sa aking pag-aaral at maging competitive. Sa huling taon ko sa hayskul at sa eskwelahang ito, marami na akong nasabing “Ito na ang aking huli.” Huling retreat, huling intams, huling school fair, huling cheering, huling prom, huling paggawa ng sulatin at marami pang ibang huli. Naalala ko rin ang pag-iyak ko dahil sa hindi ako nakasama sa huli ko sanang outbound sa buong hayskul. Sa huli kong taon, sinulit ko na ang mga pagkakataon at lahat ng pwedeng habluting extracurricular activities, kinuha ko na. Ngayong taon lang ako naging aktibo sa mga activities ng eskwelahan. At dahil doon, nasabi ko sa aking sarili na ako’y umasenso, naging responsible at napakita ko sa ibang tao na kaya ko rin. At dahil sa malapit na akong magtapos, lahat ng mga natutunan ko buong buhay ko bilang isang Senior ay mananatili sa aking puso at isipan.
Apat na taon din iyon. Apat na taong pakikipagsapalaran sa eskwelahan kasama ang aking mga guro, mga kaklase, mga kaibigan, mga magulang at ang nasa Itaas. Apat na taong pagsusunog ng kilay, marami-raming gabing hindi nakakatulog, at mga deadlines na kailangan mahabol. Apat na taon lang iyan. Mayroon pang apat na taon, at lima sa akin kung papalarin, para sa pagsusunog muli ng kilay, mas mararaming gabing walang tulog at mas madaming deadlines na kailangan habulin.
Sa aking pagtatapos sa hayskul, wala pa akong tiyak na imahinasyon sa kung saan ako pupulutin pagkalipas ng 2 buwan mula ngayon. Alam kong kaya ko ng tumayo sa aking sariling mga paa. Alam kong marami pa akong kayang gawin at magagawa pagtungtong ko sa tunay na buhay, ang buhay sa kolehiyo. Lahat ng mga natutunan ko sa aking mga guro sa Colegio de Sta. Rosa, Makati ay ang magiging gabay ko sa pagsalubong sa buhay na malapit ko nang matikman.
At dahil kulang kulang tatlong linggo na lamang ang pananatili ko sa eskwelahang ito, nararapat lang na pasalamantan ko lahat ng mga taong humubog sa aking pagkatao habang ako’y na sa pangalawang tahanan ko simula ng una akong pumasok sa eswelahang ito noong ako’y na sa ikatlong baiting. Salamat sa mga naging guro ko noong ako’y na sa elementarya pa lalong lalo na kay Ms. Virrey na noo’y tawag ko pa’y Teacher Virrey na naging kauna-unahang adviser ko sa CSR na nag-asikaso sa akin noong una kong taon dito. At sa mga naging advisers ko sa pagtungtong ko sa hayskul na sina Ms. Lopez, Ms. Asis, Ms. Hirang, at Mrs. Adri, maraming salamat. Sa mga guro ko ngayong ikaapat na taon ko sa hayskul, maraming salamat sa pag-iintindi sa amin. Kayo ang naghubog at naging gabay naming lahat habang kami’y na sa eskwelahan at hanggang sa pagtapos naming ng hayskul, nandiyan pa rin kayo. Maraming Salamat!
Sa wakas. Nasabi ko nang naging Freshman ako. Nasabi ko nang naging Sophomore ako. Nasabi ko nang naging Junior ako. Nasabi ko nang naging Senior ako. At sa huli, sasabihin kong naging ROSEÑA ako. PAALAM, CSR! ;)
♥daisy